Bugsfely

Sunday, March 05, 2006

Langit ang tunay na tahanan

by Bella Angeles Abangan

"We are in this life as if we were in another man’s house. Heaven is our home, in this world is our Inn. Do not so entertain yourself in the Inn of this world for a day as to have your mind with a drawn from longing after your true Heavenly Home.

Sa ating kinalalagyan ngayon, iyan ay tinatawag natin na Tuluyan. Hindi ito permanente. May hangganan din ito. Pagdating ng panahon ay magsasabi rin tayo ng "Paalam."

Narito ang istorya ni Aling Monica. Sa pook na iyon ay siya ang pinakamayaman.

Nag-click ang kanyang negosyo na gas station na walang lugi at bigasan sa loob ng palengke. Ngunit ang walang tigil na entrega ay ang kanyang dalawampung tricycle na de motor at kanyang matagumpay na bahay-sanglaan. Ang mga katiwala niya ay kanyang mga kaibigan.

Ang punong katiwala ay si Meding, bukas-palad sa mahihirap. Marami siyang pinag-aaral na mga pamangkin. Marami siyang kapitbahay na binibigyan ng baon. Walang natitira sa kanyang sahod.

Nagagalit si Aling Monica sa pagiging palabigay nito sa walang-wala.

Dalawa ang anak ni Aling Monica sa kolehiyo na magtatapos ngayong Abril. Kapwa graduating sina Celine, sa Medisina, at Henry, sa Business Management.

Isang gabi ay sinamahan ni Henry ang kapatid na dumalo sa kaarawan ng best friend nito, si Fanny.

Sa party na iyon ay nakainom ng kaunti si Henry. Noong pauwi na sila ay nabangga ang sasakyan nila ng truck na pauwi na noon. Antok na antok ang matandang tsuper.

Patay pareho ang magkapatid. Isang linggo si Aling Monica sa ospital.

Hindi siya pinayagan ng doktor na makipaglibing. Mahina ang kanyang puso. Bumalik ang sakit nitong angina pectoris.

Si Meding ang gumalaw sa lahat. Alam na alam nito ang pamamahala maging sa negosyo.

Paulit-ulit na sinasabi ni Aling Monica kay Meding:

"Kung bakit pa siya maghihirap sa negosyo gayong wala namang anak siyang pamamanahan."

"Bakit sila kinuha ng Diyos? Hindi na ako naniniwala sa Diyos. Aliwin mo ako Meding. Umalis tayo ng bahay araw-araw. Sasama ako sa iyo kahit saan. Maluluka ako sa loob ng bahay."

Isinama ni Meding si Aling Monica sa pook ng mga iskuwater. May dala si Meding na mga tinapay. Pagkatapos niyang pakainin at bigyan ng juice ay nagtuturo si Meding ng simpleng katekismo sa mga batang pawang nasa elementarya.

Itinuro ni Meding sa loob ng kapilya ang tungkol sa Diyos. "Bakit dapat tayong magdasal? Bakit dapat natin busigin ang ating kaluluwa? Iyan lamang ang madadala natin sa langit."

Noong pauwi na sila ay ipinagtapat ni Meding na sinasamahan siya ng dalawang anak ni Aling Monica kapag ang kanilang mama ay nasa madyungan. "Marami po silang dalang mga lumang damit, mga de lata at bigas na pawang kinukuha nila sa inyong bodega."

"Napakabuti mo Meding. Naakay mo sila patungong kabutihan. Itinuro mo sa kanila ang daan patungong Langit. Ipagpatuloy natin ang lihim na gingagawa ng aking mga anak." Luha ng tuwa ang tumutulo sa mga mata ni Aling Monica.

"May baon pala ang aking mga anak. Salamat sa Panginoon."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home