Bugsfely

Monday, March 20, 2006

May mga amang dakila

by Bella Angeles Abangan

You need someone to stand beside you, Dad is near,

When you need someone to hear your troubles, he will hear,

When you need someone to share your burden, he will share

When you need to know that someone cares, Dad is there.



Iyan ang “So Many Ways of Living” by Karen Kavor. Ipinaliwanag niya na sa iba’t ibang paraan naipadarama ng ama ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga anak.

Kung ang ina ay ilaw ng tahanan, ang ama ay haligi. Siya ang matibay na timbulan o salbabida ng kanyang mga supling. Ikinaliligaya niya na ipagkaloob ang kanyang pangalan sa kanyang mga anak. Magpa-pakasakit ang ama alang-alang sa magandang bukas ng kanyang mga anak.

May ama na kahit anong hirap ng trabaho, maulanan at maarawan, kanyang tinatanggap maigapang lamang niya sa pag-aaral ang kanyang mga anak.

May nagkuwento sa akin na ang kanilang kapitbahay na isang iskuwater ay ibinuwis ang sariling dugo upang makapagbayad lamang ng matrikula ang kanyang bunso.

May ama na dalawa ang trabaho ang pinapasukan upang may maibigay siyang pamasahe sa tatlong anak na nasa kolehiyo.

May ama na umuutang nang “five six” na patubuan upang may magastos ang anak na pinag-aaral sa Maynila.

Ito ang sinulat ni Gale Baker Stanten: “Home is build on dreams of the future memories of the past and the ever present strength of a father’s love.”

Kapag mahigpit ang ina ay sa ama lumalapit ang anak sapagkat naroon ang kanyang nakabukas na puso.

Katulad ng ina, mapaghanap ng pagmamahal ang ama kapag siya ay matanda na.
Mapapansin natin na malimit na wala siyang kibo at wari’y pinakikiramdaman kung mahal pa rin siya ng kanyang mga supling na may pakpak pa.

Ang ating pag-akbay, pagmano, paghalik sa kanyang pisngi o noo, mga yakap at mga dantay ng ating kamay ay tanda na hindi tayo nakalilimot. Noon siya ang gabay pagka’t wala tayong bagwis; ngayon tayo naman ang kanyang tungkod pagka’t mahina na ang kanyang tuhod.

Noong tayo’y bata pa ay naroon ang ating ama abalang-abala sa paghahanapbuhay upang tayo’y kanyang maitaguyod, parati siyang pagod na pagod.

Ang mga amang nasa ibang bansa upang kumita ng dolyar ay may pangarap na itaguyod ang mga anak sa kolehiyo. Narating nila ang hindi nila narating. Bukod sa mahirap ang trabaho ay naghihintay at nangungulila ang kanilang puso pagka’t malayo sa kanilang mga mahal. At narito ang tanong: Sumusulat bang malimit ang mga anak? O tanggap na lamang nang tanggap ng allowance?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home