Bugsfely

Thursday, February 11, 2010

ANG BAGONG RELASYON NG MAGULANG AT ANAK

Halos dalawang taon na ang nakalilipas nang naibahagi namin ang nilalaman ng isang librong galing sa panunulat ni Dra. Ma. Lourdes Carandang, respetadong clinical psychologist. Dito rin sa Abante namin naisiwalat ang case studies ng “Nawala ang Ilaw ng Tahanan” ng mga OFW na naglalarawan kung paano ang pagtatrabaho ng ina sa ibang bansa ay maging dahilan sa pagguho ng pamilyang Pilipino.

Ngayon naman ay may inilabas na handbook sina Dra. Carandang at Queena Lee-Chua, isang therapist ng mga bata at tinedger na may problema. Ito’y “The Filipino Family Surviving the World” na mala survival kit sa mga panahong ito.

Maraming pagbabago sa dati’y kinaugalian nating pamilya, ani Dra. Carandang. Kasama na rito ang pagiging “single parent families” ng Pinoy dala ng OFW phenomena at urban migration kung saan naman nasa probinsya ang kalahati ng pamilya, sa siyudad naman ang naghahanap buhay. At nagiging biktima nito ay natural lang ang mga bata, supling ng mga pamilyang nagka watak-watak. At biktima rin ang kanilang mga magulang.

Hindi lang ito ang may epekto sa pamilya. Pati na raw ang telebisyon, bagong teknolohiya kasama ang cellphone, video games, internet, skype, at kung ano ano pang bagong produkto na moderno. Dahil nagtatrabaho ang mga magulang ang telebisyon ay naatasang maging “baby sitter” kasama ang katulong sa bahay. Hindi ba’t napakalaking responsibilidad naman ang ibinibigay sa katulong upang siya ang maging ikalawang ina, pumili ng mga show sa telebisyon na nararapat sa bata ngayon siya rin ay may mga paborito ring teleserye?

Walang makakapag-substitute sa totoong nanay at importanteng lahat ng oras niyang kasama ang mga anak ay maging totoong quality time.

Ayon kay Ms. Queena, ito ang Do’s at Don’ts para sa magulang ng mga batang 3-7 years na nanggaling kay psychologist Lawrence Shapiro. Don’ts – Huwag itago ang mga problema sa bata; Huwag din itago ang mga pagkukulang ng magulang; Huwag baliwalain ang mga kinatatakutan ng bata; Huwag pakialaman ang mga problemang alam nyo ay kaya naman ng bata; Huwag payagan ang panonood ng biolenteng TV o dvd. At eto naman ang Do’s – Maging masayahin upang maging positive ang pananaw ng bata; Hayaang mag-imbita ang mga anak ng kaibigan sa bahay, lalong lalo na yung mga nasa gulang 9-12; Disiplinahin ang bata sa paraang maganda; Makipag bonding sa anak at ipadama sa kanila pwede nilang sabihin sa magulang ang kanilang problema; Magkasama kayong maging involved hindi lamang sa mga proyekto ng eskuwela, kundi pati sa barangay o simbahan.

Galing kay Dra. Carandang naman ang mga tips para sa magulang ng mga tinedger: Huwag magsinungaling; Sa pagbibigay ng advice maging derecho at straight to the point; Maging malinaw sa mga disciplinary rules, hindi pabago-bago; Maging proud sa kanilang mga achievements; Kilalanin ang mga barkada; Makinig sa kanilang mga kuro-kuro; Bigyan sila ng self-confidence; Respetuhin ang mga plano sa buhay; Respetohin ang kanilang privacy; at bilang nakatatanda, mag develop rin ng sariling mga kaibigan at proyekto. Gaya daw ng sinabi ng isang tinedger sa kanyang magulang na sobrang tutok sa kanya – Nay, live a life!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home