Bugsfely

Thursday, November 16, 2006

Panghawakan ang Kanyang mga pangako

Bella Angeles-Abangan

Who rises from prayer a better man, his prayer is answered.


Dininig ng Panginoon ang kanyang panalangin pagka’t nagbago siya. Iyan ang opisina ni George Meredith, isang English poet at novelist.

Maagang naulila si George sa ina at sa gulang na 10 taon ay iniwan siya ng kanyang ama na nagpunta sa America. Pinag-aral siya ng kanyang ina. Nang maglingkod siya sa isang London solicitor ay tinuruan siya nito ng halaga ng pagsusulat.

Ito ang kanyang pagtatapat at payo: Kung nais mong dinggin ng Diyos ang iyong panalangin ay magbagong buhay ka.

Pag-aralan natin ang buhay ng mga taong kilala natin at mga taong nakapaligid sa atin. Piliin natin iyong mga masimbahin at paladasal.

Hindi ‘yong ang pagdasal ay ginagawa ay one-way traffic. Iyon ang paraan na kanilang kinagisnan. Magdasal sa simbahan o sa kanilang bahay na pautos pa: "Panginoon, bigyan Mo po ako. Tulungan Mo po kami."

Matutuklasan natin na ang mga taong ito, na karamihan ay may mga misis na may katungkulan sa pribado at publikong paaralan ay kay tatapang, kayraramot, kayhihirap pakisamahan at makasarili o self-centered.

Paano sila didinggin ng Diyos kung ang kanyang kautusan na mahalin Siya at ang kapwa, lalo na ang mga walang-wala, ay hindi ginagawa?

Sinulat ni Publilius Syrus noong panahon 43 B.C.: "To a hostile mind no prayer can gain entrance."

Diligin natin ng mabubuting gawa at sakripisyo ang ating mga dalangin. Paano tayo papalarin kung nahihirapan ang mga taong nakapaligid sa atin sa pakikisama sa atin. Ang wika ng isang tauhan ng isang malupit na amo: "Parang hindi na siya mamamatay. Ang nasabi niya ay hindi na mababali kahit na mali."

Sinulat ni Jonathan Swift noong 1738, isang Irish satirist: "The prayers of the wicked won’t prevail."

Nararapat marahil na ipagdasal natin ang ating sarili na magbago upang makamtan natin ang ating ipinagdarasal. At ang unang dapat baguhin ay ang ating mga iniisip at paguugali.

Sinulat ng isang edukador: "Change your thoughts and you can change everything."

Samahan natin ng mabubuting gawa ang ating panalangin. Iyan ang ating dilig. Maaari tayong lumikha ng ating sariling Lambarene sa ating puso at sa ating pook. Kahit hindi natin sabihin sa Kanya ang ating pangarap ay Siya na ang bahala.

Narito ang kawikaan ng mga Serbian: "Good deeds are the best prayer."

1 Comments:

Post a Comment

<< Home