Bugsfely

Thursday, August 10, 2006

Dalhin – susi sa langit

Bella Angeles-Abangan

Thy word is true, thy will is just; To thee we leave them, Lord, in trust And bless Thee for the love which gave Thy son to fill a human grove; That none might fear that world to see Whose lives they have prepared for Thee.


Iyan ay titik ng isang awit na pangsimbahan na matapat at makatarungan ang mga salita ng Diyos. At nagpapasalamat tayo sa Amang Panginoon. Ipagkakatiwala natin ang ating buhay at kaluluwa. Dahil sa Kanyang Anak ay mararating natin ang langit.

Iyong tiwala ay dapat samahan natin ng pagsasabuhay ng mga nilalaman ng Biblia.

Anumang laki ng ating hangarin na makarating sa langit ay hindi rin tayo makararating kung kulang ang ating paghahanda.

Narito ang magandang istorya na may mensahe na maaari nating ikuwento sa ating mga mahal sa buhay.

May tatlong magkakaibigan na narating na ang karurukan ng buhay.

Ito ay tunay na nangyari kina John Newton, Louis Weatherford and Samuel Preston sa New York.

Mayroon silang salapi, katungkulan at pangalan. Matagal na nilang binabalak na magbakasyon at magpasarap.

At sa wakas ay natuloy rin sila sa pagtungo sa lungsod ng New York. Magsasaya sila sa buong magdamag at ganoon din ang gagawin nila sa tatlong gabi at tatlong araw na sunud-sunod.

Sinabi nila sa tsuper mula sa airport ng taksi na dalhin sila sa pinakamalaking hotel.

Ang taksi nilang Silver Star ay dinala sila sa Central Hotel. At ang hiningi nila ay iyong first class na kuwarto.

Sa hotel na iyon na may 29 palapag ay matatagpuan ang mga first class room sa huling palapag.

Noong umuwi ng madaling-araw ang tatlong magkakaibigan ay pinapili sila ng manager ng hotel kung saan sila matutulog.

Napagkaisahan nila na piliin ang ika-29 palapag ‘pagkat naroon lahat ang kanilang mga maleta.

Pinagsabihan sila na sira ang elevator. Maaari silang matulog muna sa isang ordinaryon kuwarto sa second floor o akyatin ang ika 29 na palapag.

Noong una ay mabilis sila sa pag-akyat hanggang sa ikalimang palapag. Ngunit mula sa ika-anim hanggang ika-sampung palapag ay humihingal na sila ‘pagkat mahigit nang 60 taong gulang ang tatlong turista.

At sa palapag na ika-11 hanggang ika-20 ay usad-usad na ang ginawa ng tatlong magkakaibigan na pagod at gutom pa. Pagapang na ang pag-akyat nila na kung tawagin ito ng matatanda ay halos lawit na ang dila.

Mula sa 21 hanggang 29 ay panay ang kanilang hinga. At nang dumating sila sa pinto ng kanilang silid ay naghanapan sila ng susi. Naiwan pala nila ang susi sa main counter.

Ganyan din ang pagpunta sa langit kapag tayo ay hindi naghanda.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home