Bugsfely

Thursday, February 23, 2006

Manalangin at manalig

by Bella Angeles Abangan

What a friend we have in Jesus!

All our sins and griefs to bear,

What a privilege to carry

Everything to God in prayers.

On, what peace we often forfeit,

Oh what needless pain we bear,

All because we do not carry,

Everything to God in prayer.

Ang nasa itaas na tula ay hango sa tulang "The Cross and the Crown."

Napakaraming problema, sakit ng kalooban at katawan dahil hindi tayo lumalapit sa Kanya, kay Jesus.

Narito ang istorya ng anim na magkakaibigan na sabay sabay nagtapos ng kolehiyo ng kursong Nursing!

Nang dumating ang limang nurse galing sa abroad ay nagkaroon sila ng ugnayan sa Amerika na dadalawin nila si Alice, maagang nabiyuda sa gulang na tatlumpong taon.

Sila ay nagdala ng pagkain at magsasalu-salo sila sa bahay ni Alice.

Natagpuan ng limang panauhin na si Alice ay mukhang bata sa kanila. Masaya ito at abalang-abala sa kanyang kinder school.

Sa loob ng compound ay naroon ang magandang chapel ng puno na puno ng kabataan. Sila ay may Bible Study. Ang kanilang mga estudyante ay mga bata sa malalapit na bahay.

May isang kubo na abala ang ilang tinedyer sa paghahain ng merienda. Dumating ang boyfriend ni Alice na sumundo ng dalawang anak sa haiskul ni Alice.

Mabait si Benjie. Sa isang taon pa sila pakakasal. Isang propesor ito sa isang unibersidad. May tatlong taon na silang magkasintahan.

Naroon at umiikot ang kanilang bibisitahin at ipinaayos ang kanilang dalang panghapunan.

Ipinakilala ni Alice sa limang kaibigan na pawang nurse sa Amerika si Benjie. Ang tatlo ay diborsiyado sa sa mga asawang kano at ang dalawa ay pawang problema ang buhay sa kamay ng dalawang kano na kanilang asawa.

Ang pakay ng kanilang pagbabalikbayan ay upang aliwin si Alice. Ang mangyayari yata ay hihingi sila ng sharing kay Alice upang tuklasin ang lihim ng kanyang maligayang buhay at sikreto sa hindi pagtanda.

May ipinagawa si Alice na malaking bahay-kubo na tanggapan ng mga bisita. Kumpleto ito pagkat may telepono, may karaoke may munting mga mesa na tiklupin na nakapalibot sa upuang kawayan na paikot at nakasandal sa dingding.

Inihain ng mga katulong ni Alice ang pinainit na pagkain na dala ng mga bisita.

Kapiling nila si Benjie na lagging nagpapatawa. Nag-uwian na ang mga batang kasama sa Bible Study.

May munting kubo na pahingahan ng mga dalaginding at binatilyo na nagtuturo ng Biblia. Doon sila nagmemerienda.

Masayang-masaya si Alice. Namula-mula ang pisngi nito at parang kumikislap ang mga mata. Noong tanungin siya kung bakit hindi siya tumatanda ay ito ang kanyang tugon:

Kasama ko si Jesus sa lahat ng sandali. Lagi ko Siyang kinakausap kapag wala akong ginagawa. Lagi akong nagpapasalamat. Ang ginugugol ko ay galing kung saan-saan. Ginawa ko itong foundation. Mayroon akong isang treasurer na humahawak ng pera at gumagawa ng accounting. May ulat kami sa BIR taun-taon.

"Napagkayarian namin kanina ni Benjie na idaos na ang aming pag-iisang dibdib upang kayong lahat ay makadalo…"

Tuwang-tuwa si Benjie na tumindig at palakpak nang palakpak at sumisigaw – PURIHIN ANG LORD!

Wednesday, February 22, 2006

Kaligayahan sa paglilingkod

by Bella Angeles Abangan

"Real happiness is more of a habit than a goal, more of an attitude than an attainment. It is the companion of cheerfulness, not the creature of circumstances. Happiness is what overtakes us when we forget ourselves, when we learn to open our eyes in optimism and close the door in the face of defeat. We win happiness when we lose ourselves in service to others."


Ang sumulat ng tula ay si William Arthur Ward. Ang tunay na kaligayahan ay hindi tagumpay na narating. Ito ay kakambal ng pagkamasayahin. Bukas ang isipan at mapaglingkod sa nangangailangan. Iyan ang tunay na ligaya na nadarama sa puso ng isang mapagbigay.

Narito ang istorya ni Nini, labing-anim na taong dalagita sila na lamang mag-ina ang naiwan sa mundo. Wala silang kamag-anak.

Nang mamatay sa sakit sa puso ang ama ni Nini, si Mang Serafin ay nagtinda ang mag-ina sa palengke ng kakanin.

Isang araw ay dumating sa dampa nina Nini ang katulong ng kanilang kapitbahay na mayaman.

Hinihiram si Nini upang alagaan ang kanilang amo na nasa ospital. Bibigyan daw si Nini ng sahod habang naroon ang matanda sa ospital

Ayaw magpaalaga ng matanda, si Donya Concha, sa private nurse. Ang ibig nito ay si Nini. Nakikita ng matanda mula sa kanyang balkon ang kasipagan ng dalagita.

Pumayag si Aling Ana, ina ni Nini na isang katulong ni Donya Concha.

Laging nagkukuwento si Donya Concha kay Nini. Ang sakit niya pulmonya . Nang umuwi ito sa bahay ay kinuha na ang mag-ina upang lumipat sa kanilang malaking bahay. Nagbilin ang matanda na ibenta kahit magkano ang kanilang maliit na bahay.

Ang kasama ni Donya Concha sa bahay ay limang katulong.

Mahal na mahal ni Donya Concha si Nini. Isang dating maestra si Donya Concha. Lahat ng sekreto ng buhay ay itinuro ni Donya Concha kay Nini.

Noong nalaman ng mag-ina na pera nito ang ginugugol ng simbahan sa pagtulong sa mahihirap. May "soup feeding program" sila sa dalawang lugar na pawang iskuwater ang mga nakatira. Sa barangay ay nakakakuha sila ng mga biik upang alagaan. Ang bayad ay halaga ng biik na ibinibigay sa pamilyang taga-iskuwater rin. Proyekto rin ito ni Donya Concha. Iyong mga ginagawang maramihang binyagan at kasalan ay kinukuha rin sa trust fund sa bangko ni Donya Concha.

Isang araw ay bigla ang pagdadala sa ospital kay Donya Concha. Pinadala kay Nini ang isang malaking plastic envelop na puno ng mga papeles mula ito sa ilalim ng malambot na unan.

Umaatake ang sakit sa puso ni Donya Concha. Noon ipinagtapat ni Donya Concha ang mahiwagang lihim na tatlong tao lamang ang nakakaalam.

Tunay na anak ni Don Ramon si Nini. Asawa ni Donya Concha si Don Ramon. Hindi ipinagtapat ni Ana maging sa mga magulang na si Don Ramon ang ama ni Nini. Hindi nag-ibigan sina Ana at Don Ramon. Marahil ay ibig ni Don Ramon na magkaroon siya ng tagapagmana.

Nalaman lamang ito ni Donya Concha noong mamatay na si Don Ramon. Tinanggap ito nang maluwag sa puso ni Donya Concha pagkat siya ang may depirensya kayat hindi sila magkaanak. Yumakap si Nini kay Donya Concha at ang wika:

"Dakila po kayo Mama… Kaya pala kayo maligaya ay dahil sa inyong pagiging mapagbigay at malapit sa Diyos."

Monday, February 20, 2006

Siya ang lahat sa akin

by Bella Angeles Abangan

"And that is the will of the Father today, who ever takes His Son, gets it all, when you takes Christ as Savior you will have the riches of life to its fullest."


Ang maikling talata sa itaas ay hango sa Biblia, John 10:10.

Sinasabi sa itaas na talata na kung sinuman ang nagpapasagip kay Jesus Christ ay mapapa-sakanya ang lahat ng yaman ng daigdig.

Sa siniping-sabing iyan ay iikot ang maganda nating istorya.

Sa magarang sala ng isang biyudong art collector ng mga pambihirang koleksyon ay panauhin ang isang binatang sundalo na galing sa labanan.

Puno ng pamimighati ang puso ni Sir Sam anng mabalitaan ang kanyang kaisa-isang anak niyang tagapagmana ng kanyang art collection na milyon ang halaga, na namatay sa labanan sa Europa.

Isang telegrama ang kanyang tinanggap mula as military headquarter na konpirmadong patay si Mark, ang mabait niyang binata na maliit pa ay sinanay niyang kumilatis ng mga antigo at mamahaling art collection.

"May mahigit pong sampu ang sinagip ni Mark sa huling labanan. Ako po ang huli niyang pasan-pasan nang tamaan siya ng bala sa dibdib. Bayani po si Mark. May pamasko po akong handog sa inyo bago ako umalis. Ang aking pagod at hirap ay alaala ko po kay Mark. Ako po ay isang artist din tulad ni Mark."

Nang umalis si Henry ay binuksan ni Sir Sam ang handog sa kanya ng matalik na kaibigan ng kanyang anak.

Napakagandang larawan ni Mark ang iginuhit ni Henry. Buhay na buhay ang mga mata nito. Higit ang halaga nito kaysa sa milyong halaga ng mga kuwadrong naka-display sa malaking art museum na guhit ng mga masters.

Inilagay ito sa itaas ng apugan (fireplace). Nawalang lahat ang sama ng loob ni Sir Sam. Maghapon siyang nakatitig nang Paskong iyon sa painting na iyon na pinakamalahaga sa lahat ng mga naroong paintings na milyon ang halaga.

Nang sumunod na taon ay sumakabilang buhay si Sir Sam. Nagkaroon ng auction na ibinalita sa mga pahayagan sa buong daigdig.

Naroon ang mga tanyag na art collectors na nagmimithi na bilhin ang mga mamahaling guhit ng mga masters na tanging si Sir Sam ang may-ari.

Ipinaliwanag ng auctioner na uunahin muna ang larawan ng kanyang kaisa-isang anak si Mark.

Napatawa ng lihim ang mga naroon na galing pa sa kung saang-saang panig ng mundo.

Iisa ang tumawad – isang may-edad na lalaki na kaibigan ni Sir Sam.

"Ten dollars!. Sorry po iyan lamang ang pera ko. Kilala ko po si Mark mula sa pagkabata…"

"Sold! Tapos na po ang ating auction session. Iyan po ang nakalagay sa iniwang testamento ni Sir Sam. At lahat ng mga art paintings na narito ay kasama ng larawan ng kanyang anak."

Nanghihinayang at nagagalit na umalis ang lahat ng art collectors na naroon. May pagmamahal sa bata ang mahirap na lalaking laging laman ng simabahan, si Mr. Tom. Ang gantimpala niya sa Panginoon ay hindi mabilang-bilang.

Sunday, February 19, 2006

Bunga ng itinanim

by Bella Angeles Abangan

"All that is necessary to break the spell of frustration is this: Act as if were impossible to fail. That is the Talisman formula, the command of right about face which turns us from failure towards success."

Nakasaad sa tula sa itaas na sinulat ni Dorothea Bronde na magtrabaho tayo na taos sa puso.

Kapag tayo ay nagtrabaho; ang tingin nating imposible ay magiging posible.

Ang mga negatibong nagawa na natin ay gawin nating positibo.

Tayo ay magtatagumpay pag tayo ay nagsumikap.

Narito ang magandang istorya ni Joel, kung paano niya ginawang plus ang minus.

Maliit pa siya ay nag-iisip na si Joel kung paano niya maalis ang takot, alinlangan, pangamba, hinanakit at galit sa kanyang puso.

Lima ang kapatid niyang lalaki na nakakatandang lahat sa kanya. Lahat sila ay pawang magsasaka. Ang kanilang ibinubuhay sa kanilang mga pamilya ay sa paraang kakahig-tutuka at kakahig muli at tutuka.

Nais ni Joel na maiba naman ang kanyang buhay at magamit niya nang husto ang kanyang isip. Alam niya na sa tulong ng Diyos ang lahat ng mabuti ay hindi impossible.

Hiningi ni Joel ang tirahan sa Maynila ni Tito Mario bunsong kapatid ng kanyang ama. Ito ay nakakariwasa sa buhay. Kay Doding (asawa ni Mario) ipinamana ng ama ang isang pagawaan ng sapatos sa Marikina.

Nang dumating si Joel sa bahay ng kanyang Tito Mario ay hindi siya kinibo ni Tita Doding.

Nang magparinig si Doding na wala siyang pag-aaralin sa magkabilang partido ay biglang nalungkot si Joel. Iyon na ang katapusan ng kanyang pangarap na makapag-aral.

Nagpakasipag si Joel. Iyong dalawang boy na katulong sa pagawaan ng sapatos ay umalis ng wala nang balikan. Hindi nila matiis ang tapang at sungit ni Doding. Siya na ang gumagawa ng kanilang iniwang trabaho.

Doon natulog si Joel sa folding bed. Ipinalagay ni Doding ito sa likod ng malaking sopa upang hindi makaistorbo sa sala.

Madilim kaya’t hindi nila nakita si Joel na gising na noon-pinaikot ni Joel ang katabi niyang alarm clock.

Nabigla ang tatlo sa malakas na tunog ng alarm clock.

Nagtakbuhan sila sa labas. Nagising at lumabas si Mario. Itinuro ni Joel sa kanyang tiyuhin ang tatlong sumusumpa sa pader palabas. Takot na takot noon si Doding.

Natuwa ang mag-asawa kay Joel. Iba nga naman ang kadugo pagkat maaasahan. Ibinigay kay Joel ng mag-asawa ang kuwarto ni Ryan na nasa Australia. May-asawa na ito. Kasalo na si Joel sa kanilang pagkain. At binigyan na si Joel ng pera na pang tuition.

Dininig din ng Diyos ang kanyang dalangin. Naging "plus" sa wakas ang "minus" sa buhay ni Joel.
Ngayon makatutulong na siya sa kanyang mga magulang.

Wednesday, February 01, 2006

May misyong pansarili

by Bella Angeles Abangan

The final test of our lives will not be how much we have lived but how we have lived, not how temptuous our lives have been, but how much bigger, better and stronger these trials have left us. Not how much money, fame our fortune here on earth but how much treasures we have in heaven.


Ang sumulat ng talata sa itaas ay si Meggido Message. Sinabi niya ang mahalaga ay mag-ipon ng mga yamang ipadadala sa langit at hindi ang yamang pangmundo.

Kung iisipin natin ay narito tayo sa University of Life. Pawang tests o eksamen ang buhay natin sa maghapon.

May maiikling pagsubok at may mahahabang pagsubok. Kung paano tayo makakapasa ay nasa atin na iyan.

Mahalaga ang subaybay ng magulang. Mahalaga ang pagtatanim sa puso ng mga bata ng mabubuting pag-uugali.

Narito ang isang istorya ng isang pulis na nakabitan ng medalya dahil sa galing ng kanyang performance.

Nakapagligtas siya ng maraming buhay kaya’t ang tawag sa kanya ay "Bayaning Pulis."

Ang pamilya ni Pete ay nasa Cagayan de Oro. May inuupahan siyang maliit na apartment sa Sampaloc. Tanging pamangkin niyang binata ang kasama niya sa bahay. Nag-aaral ito sa gabi.

Isang araw ay nakasakay si Pete sa kanyang owner jeep. Biglang naghabulan. Isang binatilyo ang nakita niyang may dalang handbag. Bagito ang tumatakbo. Noong binaril niya sa paa ay wala nang dalang bag. Naipasa na sa kasamahan.

Natumba ang binatilyo. Nakataob ito. Nang kanyang itinahaya ay muntik nang mahilo si Pete sa pagkabigla.

Wala pang mga tao sa pook na iyon. Mabilis niyang pinaangko at dinala sa kanyang jeep. Kinuha niya ang nabaril na hiyang-hiya sa kanya.

Ang binaril niya ay si Yingying, ang nawawala niyang anak may tatlong taon nang nakalilipas.

"Papa, sorry po…"

Umalis si Yingying sa bahay nila sa Cagayan de Oro.

Tumakas ang kanyang panganay sa tatlong mag-kakapatid nang malaman niya na may dalawang buwan na hindi pumapasok sa eskuwela ang kanyang anak.

Nagpalipat ng pagpupulis si Pete sa Maynila nang malaman niyang sa Maynila nagtungo ang grupo ng kanyang anak.

At noong hapon na iyon ay siya pa ang nakabaril sa anak. Dinala agad ni Pete ang anak sa klinika ng kanyang kaeskuwela sa haiskul sa may Taft Avenue. Alam ni Dr. Carlo na matagal nang hinahanap ni Pete ang kanyang anak sa Metro Manila.

Nag-usap ang magkaeskuwela habang natutulog si Yingying, pagkaraang alisin ang bala sa mga paa nito.

"Sa darating na Linggo kami aalis ni Yingying. Ibibigay ko ang sulat sa optional retirement. Siguro ay doon na lamang ako sa amin. Naipangako ko sa Diyos na kapag natagpuan ko si Yingying ay maglilingkod ako sa aming simbahan. Iuukol ko ang aking panahon sa Diyos. Tutulungan ko si Bess sa kanyang mini-mart."

"Mabuti ka pa Pete tapos na ang iyong problema. Higit na mas malaki ang problema ko sa iyo. Hanggang ngayon ay hindi pa ako pinatatawad ni Betty sa aking sala sa kanya."

"Madali lang iyan. Ibigay mo kay Lord at diligan mo ng dalangin at sakripisyo. Ganoon ang ginawa ko.

Noon nalaman ni Carlo ang lihim ng paglutas ng problema. Purihin ang Panginoon.