Bugsfely

Monday, June 19, 2006

Paraiso ng mag-asawa

by Bella Angeles Abangan

Blessed are the husband and wife who continue to be affectionate, considerate and loving after the wedding bells have stopped ringing.

Blessed are the husband and wife who are polite and courteous to one another.


Blessed are they who have sense of humor, for this trait will be a handy shock absorber.

Blessed are they who remember to thank God for their meals who set aside time each day for the Bible, prayers and faithfully attend to their Sunday obligation.


Blessed are the husband and wife who humble dedicate their lives and their family and home to Christ.


Ang nasa itaas ay sinipi kong bahagi sa “Beatitudes for Married Couples” mula sa “The Standard.”

Ang tugon ng dalawang pinasasagot ng lumiligaw na binata:

“Batid mo bang pinakamahal na nilikha ng Dakilang Kamay ang iyong hinihingi, ang puso, ang buhay at ang pag-ibig ng isang babae?”

Mahal na mahal ng lalaki ang dalagang nililigawan ngunit kapag maging kabiyak na niya ay kanya nang pinababayaan at ginugutom pagkat hindi sapat ang kanyang ibinibigay. Iyan ay malimit mangyari.

Kaya’t hindi kataka-taka ang gumawa ng pagsusuri ang dalawang kaibigan kong guro ay natuklasan nilang maraming wasak na tahanan gawa nang nagluluksong ama.

Sa mga ama ng tahanan ay ihambing ninyo ang larawan ng inyong misis noong inyong nililigawan at ngayong ina na ng inyong mga anak. Gaano na ang kanyang itinanda?

Gaanong sama ng loob ang naibigay ninyo sa kanya? Kung bawiin kaya siya ng Panginoon, paano na kayo?

Marahil ay may sampung porsiyento lamang sa mga mister ang nagpaparamdam na mahal nila si misis. Na inaalagaan nila ang kanilang kalusugan. Pinataba nila ang puso sa kanilang mga pagbibiro at pagiging misis ay nakasalalay sa Panginoon at sa kanyang mister.

Marahil ay hindi nalalaman ni mister na kapag nagdadalangtao ang kanyang misis at dinulutan niya ito ng sama ng loob ay may masamang epekto ito sa batang unti-unting nabubuo.

Marami sa mga kabiyak ang may katangiang tahimik at hindi ipinakikita ang kanilang pagiging mapagmahal. May hangganan ang kanilang paninirahan sa iisang pugad.

Nakalulundag ng puso ni Misis na marinig na siya’y mahal ni mister. Ito ay nakaaalis ng pagod. Nakawawala ito ng sama ng loob.

Kapwa sila maging mapagmahal sa isa’t isa. Iyan ay pampahaba ng buhay. Iyan ay pampaakit ng biyaya at grasya. Iyan ay halimbawa para sa mga anak. Iyan ay tanim para sa kabilang buhay upang manatiling magkasama pa rin sila hanggang doon sa Kanyang paraiso.

Iyan ay nagdudulot ng kasiyahan at kapayapaan ng kalooban. Lalo na kung ipararamdam sa maraming pagkakataon sa maghapon ang pagtatanim ng isa’t isa.

Ligaya sa pag-ibig

I never have a night so black,

Light failed to follow in its track,

I never knew a storm so gray,

It failed to have its clearing day.

I never knew such bleak despair,

That there was not a rift somewhere,

I never knew an hour so dear

Love could not fill it full of cheer.

Ang tula sa itaas ay sinulat ni Kendrick Bangs. Ito ay may isang mensahe: Lahat ay may lunas lalo na ang mga gusot sa buhay. Ito ay nagiging maganda kapag naroon ang pag-ibig.

Ang gulo ng buhay ay napapaganda ng pag-ibig. Malaki ang nagagawa ng pag-ibig lalo na kung nag-iibigan ang dalawang puso.

Ito ay sinulat ni George Herbett. Love makes all hard hearts gentle."

Narito ang isang istorya ng magulong pamilya. Ang limang magkakapatid ay hindi nagkakasundo. Ang ina ay masama ang bibig. Ang ama ay talo ang kanyang kabiyak sa kabaitan.

Noong mag-asawa ang pangalawang anak ay nakitira ito sa kanyang mga magulang pagka’t mahina ang kita ng mag-asawa.

Isang araw ay ibinalita ni Carlos na mag-aasawa na siya. Napilitang mamanhikan ang mga magulang ni Carlos. Si Carlos ay panganay sa magkakapatid at may malaking kinikita. Siya ang nagpapakain sa kanyang mga magulang at kapatid. Nagsabi si Carlos na kung hindi sila mamamanhikan ay bubukod na lamang sila ni Joanna.

Noong mga unang araw ni Joanna doon ay nagkaroon ng mga pagbabago. Masarap magluto si Joanna kaya’t iminungkahi niya na silang mag-asawa ang sasagot sa ulam at bigas para sa lahat.

Napakabait at maunawain ni Joanna. Tatlo silang magkakapatid at siya ang bunso. Isinama ang kanyang mga magulang sa Amerika ng kanyang mga kapatid upang doon na manirahan.

Naintindihan ni Joanna ang hirap ng pamilya ni Carlos. At ang kanyang asawa ang bumubuhay sa buong pamilya.

Nagtayo si Joanna ng karinderia sa harapan ng kanilang bahay. Pumisan sila sa mga magulang ni Carlos.

Pagkaraan ng isang linggo ay ibinigay ni Joanna sa kanyang biyenan ang kanyang karinderia. Malakas ang kita ng kanilang kainan pagka’t malapit sa mga opisina.

Nang ang kanyang biyenan ang namahala sa kainan ay siya ang gumagawa sa mga gawaing-bahay. Ang religious songs ay maririnig sa umaga hanggang tanghali. Inaayos ni Joanna ang buong kabayahan.

Maging sa likod ng kanilang bahay ay napasemento ni Joanna. Naroon ang apat na malalaki nilang inahing baboy.

Mula nang dumating si Joanna ay naging masaya ang pamilyang iyon. Wala silang panahon pang mag-inggitan pagka’t lahat sila ay may pinagkakakitaan. May pinatayong patahian si Joanna sa silong ng kanilang bahay. Iyon ang ginagawa ng mga babaeng kapatid ni Carlos na walang trabaho.

May sariling pera si Joanna sa bangko. Iyon ay kanyang ipon sa kanyang pagtatrabaho ng limang taon bilang accountant sa malaking kompanya. Pinahinto lamang siya ni Carlos sa trabaho.

Humanga silang lahat kay Joannna. Kung gaano ito nakatulong sa kanila nang malaki gayong naglilihi na ito noong dakong huli.

Naroon at umaapaw ang pag-ibig ni Joanna sa kanilang lahat. Mahal na mahal niya si Carlos, isang ulirang lalaki. Tunay na mag-soulmate ang dalawa. Naroon ang masaganang bendisyon ng Diyos sa magkapilas-puso.

Naging God-centered silang lahat. Ang modelo nila ay si Joanna.

Thursday, June 15, 2006

Ang halaga ng karunungan

by Bella Angeles Abangan

“Being intelligent involves being ignorant about those things that are not worth knowing.”


Pahalagahan ang karunungan, minsan ang karunungan ay nagiging daan upang maging inosente tayo sa mga bagay na alam natin na walang mabuting maidudulot kung ipagpapatuloy pa natin ang pagtuklas nito.

Malalim ang nais ipahiwatig ng sumulat ng talatang ito. May nais siyang tukuyin sa binanggit niyang mga salita.

Tindera ng isda si Caring. Mahirap at may pamilya siya pero dahil sa pagkakarinyosa at tamis ng dilang manalita nagkaroon ng maraming suki si Caring at kinilala sa palengke.
Nakakapakyaw siya ng banye-banyerang isda na walang bayad muna.

Hanggang nakakapaghulog pa siya ng isda sa iba pang tindera. Kaya naging isang mamamakyaw si Caring.

Dahil dito ay lumago nang lumago ang kayamanan ni Caring. Nakapagpatayo siya ng bahay at nagkaroon din siya ng kotse at jeep na pang deliver ng isda.

Unti-unti ay dumami ang mga kaibigan niya. Lagi siyang kumbidado sa mga handaan. At madalas ay maging ninang ng mga kasalan sa dahilang malaki siyang mag-regalo.

Natuto rin si Caring makipagsosyalan at magmadyong. Puro mayayaman ang nakakaharap niya. Ang mga daliri niya ay nagliliyab sa dami ng alahas.

Isang kumare ni Caring ang nag-alok sa pagawaan ng mga lata. At para patunayang kaya niya, pumayag si Caring.

Kung anu-ano ang pinapirma sa kanya. Naisangla pati ang kotse at bahay nito upang umabot lamang sa halaga na kailangang isosyo niya sa kumare.

Palibhasa ay no read no write si Caring. Madali siyang naloko ng kumare niya.

Bumagsak ang negosyo at hindi na naibalik pa ang naisosyo niya.

Narimata ang lahat niyang ari-arian. Nadadaya pa siya sa pagtitinda.

Nauwi sa pagtitinda sa bangketa si Caring. Napatira na lamang siya sa garahe ng dati niyang bahay.

Ang mas nakakalungkot pa ay noong nagkasakit siya ay wala man lamang sa kanya na dumalaw sa tinutuluyang garahe.

Ang pinakamasakit sa lahat, namatay si Caring na walang kaibigan at isang mahirap na baon sa utang. Ang dahilan ay wala siyang angkop na kaalaman sa mga bagay na kanyang pinasukan bukod sa pagiging no read no write niya.

Napakahirap din pala ng isang taong walang pinag-aralan. At ito ay nagpapatunay lamang na hindi pera ang mahalaga sa buhay ng tao kundi ang kanyang pinag-aralan at ang kanyang pananalig sa Poong maylikha sa atin upang matulungan tayo na gabayan sa pagtahak natin sa landas ng buhay.

Narito ang isang maikling tula na sinulat ni William James na mayroong magandang mensahe na nais na ipahiwatig.

Life can’t give me joy and peace;

It’s up to me to will it.

Life just gives me time and space;

It’s up to me to fill it.

The great use of life is to open it

for something that outlast it.

Monday, June 12, 2006

Magtipid nang makaipon

"Turuan mo silang gumawa ng mabuti, magpakayaman sa mabuting gawa, maging bukas ang palad at matulungin sa kapwa. Sa ganitong paraan sila ay makapag-impok para sa hinaharap at magkamit ng tunay na buhay."


Mababasa natin iyan sa I Timoteo 6:18-19. Iyong aral dito na binabanggit sa Biblia ay binubuo ng tatlo: "Paggawa ng mabuti, mapagbigay at pagiging matulungin sa kapwa." Ito ang pundasyon ng pag-iimpok. Iyong pala-tulong ay pinagpapala ng Panginoon.

Kapag ang tao’y pawang kabutihan ang ginagawa sa kapwa ay tiyak na magkakaroon siya ng mabuting buhay at kabuhayan. Hindi niya magagasta ang kanyang inipon sa walang kabuluhan pagka’t naroon ang bendisyon ng Diyos sa kanya.

Sa magkakapatid ay mapapansin natin na iyong tumutulong sa magulang ang may magandang kabuhayan at sila ay masaya. Iyong anak na tinitipid ang magulang ay puno ng problema. Mayaman man sila ay hungkag ang kanyang puso sa kapayapaan at kaligayahan.

Sa mga nais makaipon ay kailangang maging mabuting anak siya ng Panginoon upang matatag ang kanyang gagawing pag-iimpok. Naroon ang pagtulong sa mga walang-wala. Naroon ang ugaling mapagbigay ngunit nasa lugar. At may bahaging ikapu ang Panginoon sa kanyang kita. Ang ibig sabihin nito ay ang ikasampung bahagi ng kanyang kita ay para sa templo ng Diyos tulad ng simbahan, ampunan, seminaryo at iba pa.

Noong makatapos ng haiskul si Pat ay tuwang-tuwa na ibinalita niya sa kanyang Ate ang plano niyang magturo. Noong panahong iyon ay maaari nang magturo sa elementarya ang tapos ng haiskul.

Ang Ate ni Pat ay nagpakasakit na samahan siya sa bayan. Upang may maibayad sila sa bahay at may makain sila ay tumanggap ng mga boarder ang kapatid ni Pat. Ito ang wika ng Ate sa kanya:

"Hindi ka muna magtuturo. Pupunta ka sa Amerika upang magpatuloy ng pag-aaral."

"Ate, saan tayo kukuha ng aking pamasahe pagtungo roon? Paano ang gagastusin ko kapag nasa Amerika na ako?"

Ibinuhos ng kanyang Ate ang mahabang alkansyang kawayan. Binilang nilang magkapatid ang laman nito. May labis pa ang naipon ng Ate ni Pat. Tumanggap ang Ate niya ng labada sa mga sundalong Amerikano na naroon sa kanilang bayan.

Natutong maging matipid at mapag-ipon si Pat nang nasa Amerika na. Tinularan niya ang kanyang mabait na Ate na nagpakasakit alang-alang sa kanyang bukas.

Ipaskil natin sa dingding ng ating silid-tulugan ang ganito: "Ang hindi kailangang-kailangan kung hindi kaya ay huwag bilhin at ang hindi kayang bilhin ay ating limutin."

Thursday, June 08, 2006

Panahon – kailangan ng anak

by Bella Angeles Abangan

“Mommy, why don’t you want to play with me?”

“Because I don’t have any time.”

“Why don’t you have any time?”

“Because I’ve got to go to work.”

“Why do you have to go to work?”

“So I can earn some money.”

“Why do you want to earn money?”

“So I can give you something to eat.”

“Here there was a short pause.

Then Nellie said, “Mommy, I’m not hungry.”


Sa usapang nasa itaas ay ipinaliliwanag ng ina na kailangan niyang umalis araw-araw. Nagtanong ang anak na maliit kung bakit pa siya dapat umalis. Tinugon siya ng ina na kailangang maghanap ng pera.

“Aanhin mo Nanay ang pera?”

“Upang ibili ng pagkain...”

Kaya’t ang tugon ng anak na nagtatampo pagka’t walang panahon ang kanyang ina sa kanya ay ito:

“Nanay, hindi po ako nagugutom.”

Kahit sa isang bata ay mapapansin natin ang laki ng kanyang pagnanais na makapiling ang ina.

Natatandaan ko noong maliit pa si Anthony at hindi pa siya nag-aaral hanggang sa siya ay nasa Grade I, araw-araw ay hindi siya nagsasawang magtanong nito:

“Mommy, aalis ka?”

Sa ikalawa kong pamilya na pawang Abangan ang apelyido dahil nang dumating sila ay walang apelyido at hindi ko nakikilala ang kanilang mga magulang ay kumakain kami nang sabay-sabay.
Iyong kuwentuhan sa hapag-kainan ay malaking bagay na. Nasasabi nila kung ano ang nangyari sa kanilang paaralan. Kung ano ang kanilang mga eksamen at proyekto.

Parang may ikalawang pamilya muli ako. Ngunit sa ikalawang pamilya ay hindi ako namamasukan. Sa una kong pamilya ay tuwing Sabado at Linggo ko lamang sila nakakausap nang masinsinan.

Kailangang pagkalooban ng puso sa pusong pakikipag-usap na panahon ang mga bata lalo na ang mga tinedyer. Kapag nadama nila na bukas tayo – pati ang ating isip – na tumanggap ng mga istorya ay magkukuwento sila kahit na anong lihim. Ibig nilang magsharing.

Kung sa unang paglapit nila ay ating gagamitan ng censor o babala ay titikom na ang kanilang bibig.

May isang ina na working mother. May malaki siyang kahon sa kanyang silid-tulugan. Naroon ang mga papel at bolpen. Maaari siyang sulatan. Maaaring isulat kung ano ang kanyang mga kailangan. Iyong mga sharing at mga tanong ay naroon din.

Pagdating ng aking kaibigan galing sa trabaho ay babasahin niya nang mabilis ang mumunting sulat ng kanyang mga anak.

Sa kanilang pagsasalo kung hindi lihim ang sharing ng anak ay kanya nang sinasagot. Nakapagpapaliwanag din siya. Nagbibigay din siya ng mga mungkahi.

Kapag walang panahon ang magulang o takot ang bata sa magulang ay nagugulat na lamang kung may mangyari na hindi inaasahan. Naroon ang pagsisisi.

Ang susi sa tagumpay na magandang samahan ng anak-magulang ay batay sa magandang pagdadala ng ama o ina ng kanilang ugnayan. Dapat ay parang magkaibigan silang matalik. Iyong ganito sisisimulan ng anak ang pagkukuwento: “Alam mo Mommy...”
Dapat naroon ang ating atensyon. Makikinig tayo sa kanyang pagkukuwento. Sa silid-tulugan ay naroon din ang kuwentuhan.

Tuesday, June 06, 2006

Di tumatanda ang isip

by Bella Angeles Abangan

Age is a quality of mind,

If you have left your dreams behind,

If hope is cold,

If you no longer look ahead,

If your ambition’s fires are dead

Then you are old,

But if from life you take the best,

And if in life you keep the jest,

If love you hold;’

No matter how the years go by,

No matter how the birthdays fly

You are not old.


Ang sumulat ay si H.S. Fritsch. Matagal ko nang nabasa iyan ngunit hindi ko alam ang pangalan ng awtor. Ang pamagat niya ay ito, “How Old Are You?”


Napakasimple ng mensahe: Kung malamig na ang pag-asa sa puso. Kung iniwan na ang pangarap. Kung hindi na tinitingnan ang bukas o darating. Kung wala nang init ang ambisyon. Kung gayon matanda ka na nga.


Ang isang tao ay hindi maaaring husgahan sa kanyang panlabas na kaanyuan.


Hindi sa edad ng tao maaari natin siyang hatulan na matanda na siya. Ang tao kahit matanda na ngunit may apoy pa rin ang kanyang mga ambisyon ay bata pa rin siya. Masigla pa rin siyang nabubuhay at ang tingin niya sa mundo ay makulay pa rin, masigla at masaya pa rin ang kanyang pakiramdam.


Narito ang isang istorya tungkol kay Aiza. Pinagtatawanan siya ng apat na kapatid niyang babae pagka’t siya ang pinakamaganda at pinakamatalino ay kung bakit nagpakasal siya sa kanyang propesor na puting-puti na ang buhok at postiso na ang ngipin.


Ang tugon niya ay simple sa kahit sino ang magtanong kung bakit napili niya ay isang matandang asawa.


“Iniibig ko si Gerald. At mahal na mahal ako ni Gerald kahit sampung taon ang tanda niya sa akin. Magiging maligaya kami ni Gerald. Compatible kami kahit saang anggulo.”


Pagkatapos ng kasal nina Gerald at Aiza ay sa Baguio City na sila nanirahan. Nag-iisang anak si Gerald. Ang negosyo ng kanyang ama ay gasoline station, townhomes at malaking groceries. Si Gerald ang pinamahala ng kanyang mabait na ama.


Magaling na manager si Gerald. Mahusay siyang humawak ng mga tao. Minahal nila si Gerald at naging matapat silang lahat.


Ang pinairal ni Gerald ay profit sharing. May kahati sila sa tinutubo ng negosyo. Ito ang katwiran ni Gerald.


“Ganoon din ang labas niyan. Kung aking-akin ang lahat ng mga tubo ay gagawa rin sila ng paraan na maisahan ka at makalulusot sila.”


Alam ng magkabiyak kung paano nila kinukutya si Gerald. Bakit naibigan ito ni Aiza. Kaya’t sa unang gabi pa lamang nila sa Baguio ay nagplano na sila na hindi sila kapwa tatanda. Magiging masaya sila at lagi silang nagmamahalan. Gugulatin nila ang apat na kapatid ni Aiza maging ang mga magulang nito na hawak nila ang kanilang edad. Masaya silang nag-iibigan.


Nagkaroon sila ng aral sa buhay – hindi sila dapat maging seryoso. Higit ang ganda ng bunga kung tayo’y nagtitiwala sa Diyos at sa tao. Ang isang buong maghapon ay kayganda para sa mag-asawa. Ganyan sila araw-araw. Para silang naglalaro sa buhay. Masaya sila at ang biruan at tuksuhan ay para silang magnobyo.


Palibhasa’y may mga katiwala si Gerald kaya’t maluwag siya sa oras. Laging naroon siya sa piling ng kanyang pamilya.


May panahon sila sa isa’t isa sabay sila sa kanilang jogging session. May panahon silang magkuwentuhan habang kumakain ng agahan, tanghalian at hapunan. May “quiet time” sila sa gabi kapag tulog na ang mga bata.


Noong magkaroon ng reunion ang pamilya ni Aiza ay hindi nila nakilala ang mag-asawa. Gayong dumaan na ang maraming panahon at labis pa ring in-love sa isa’t isa.

Bendisyunan po aking pangarap

by Bella Angeles Abangan

I am pressing on the upward way,

New height I am gaining everyday,

Still praying I onward bound,

Lord, plant my feet on higher ground.

Lord, lift me up and let me stand,

By faith on heaven’s table land,

A higher plane than I have found,

Lord plant my feet on higher ground.


Bawat tao maging kabataan o may-edad na ay humihingi ng bendisyon sa Panginoon.

Anuman ang gawin natin lalo na sa ating ambisyon ay mahirap marating kung hindi natin isinasangguni sa Kanya.

Nais pa nating tumaas ng posisyon sa kompanyang ating pinaglilingkuran. Ibig nating makapasa sa written at oral exams. Ibig nating magtungo sa abroad. Nagdarasal tayo makapasa sa mga eksamen kaugnay ng ating trabaho.

Ang lahat ng ito ay makapagtataas sa atin sa ating kinalalagyan.

Narito ang istorya ng magkasintahan. Maka-Diyos si Vivian ngunit si Zenon ay hindi naniniwala sa dasal at pagsisimba.

Bumagsak sa BAR si Zenon. Isang linggo na hindi makausap ni Vivian ang kanyang boyfriend.

Dumalaw ang ina ni Zenon sa bahay nina Vivian. Sinabi niyang payat na payat na ang kanyang anak. Dinamdam na mabuti ang pagkakabagsak nito sa Law.

Pinapupunta ni Ma’am Concha si Vivian upang aliwin si Zenon. Sumunod naman si Vivian. Ibig ni Zenon ay huwag uuwi sa kanilang bahay si Vivian.

Napagkayarian ng mga magulang nila na ipakasal nang mabilisan ang dalawa.
Laging namamasyal ang dalawa na katulad ng mag-asawang ibon. Unti-unti ay nagpaliwanag si Vivian:

“Ang buhay natin ay hiram. Upang gumanda ang ating buhay tayo ay humingi ng bendisyon mula sa Panginoon.”

Sa kanilang pamamasyal ay narating nila ang malalaking simbahan sa Metro Manila. Tuwang-tuwa si Vivian nang ibalita sa kanya ni Zenon na nagkumpisal siya sa Sto. Domingo Church.

Mataas ang ambisyon ni Zenon. Ibig niyang tularan ang kanyang ama na isang batikang abogado.

Ang natuklasan ni Zenon ay ito. Nakasentro lagi ang kanyang Papa sa Diyos. Miyembro ng maraming kapisanan sa simbahan ang kanyang ama.

Naging isang aral kay Zenon na sa bawat hiling ay sasamahan ito ng dasal at pasasalamat sa Poon.

Magkaiba ng ugali ang dalawa. Ang bigkis nila ay pag-ibig. Noong kumuha muli ng BAR si Zenon ay kasama siya sa top ten. Noon naniwala si Zenon na habang tumatagal ay pataas nang pataas ang ating ambisyon.

Noong sumapit si Shiela. Kanilang anak sa gulang na limang taon ay hindi lamang abogado si Zenon kundi doktorado pa ito.

Naniniwala si Zenon na pinagpapala ng Diyos iyong nakakapit sa Kanya.