Bugsfely

Tuesday, October 17, 2006

Mensahe ng salita

Bella Angeles-Abangan

Words are almighty, words are living; Serpents with their venomous stings, Or bright angels crowding around us With heaven’s light upon their wings, Every word has its spirit, True or false, that never dies; Every word man’s lips have uttered Echoes in God’s skies.


Iyan ang sinulat ni Adelaida A. Proctor ay magpaliwanag kung gaano kaganda at epektibo ang matatamis na salita sa ating buhay.

Iba ang dating ng mga salitang pili at walang halong pananakit ng damdamin. Wala namang puhunang salapi sa pagsasabi ng galing sa ating kalooban.

Iyong sinabi natin na nagbigay ng kasiyahan o ginhawa sa dibdib ay napakalaking tulong sa ating kausap.

Sinasabi sa tulang nasa itaas na ang salita ay makapangyarihan. Bawat salitang bigkasin ay may sariling bisa at matindi ang dating kung matamis ito o maasim.

Narito ang isang istorya ng dalawang katulong sa bahay na nag-iibigan. Maunawain ang kanilang amo kaya’t pinakasal sila. Binigyan pa sila ng pera noong sila’y umuwi sa kanilang lalawigan.

Nanirahan sila sa isang maliit na bahay. At tumulong sa pagsasaka si Mon sa kanyang ama.

Samantala, si Cacai ay nagtinda sa palengke. Ang puhunan niya ay iyong bigay ng kanilang amo.

May napulot na magagandang aral ang mag-asawa sa kanilang amo. Minsan man ay hindi nila narinig na nag-away ang kanilang amo.

Hindi nila narinig na nagtalo o nagsigawan sila. Laging sweet silang mag-usap. Parang bagong kasal sila ganoong may mga apo na ang amo nila.

Iyan ang tutularan nina Mon at Cacai. Para silang lovebirds na laging magkatabi at nagbubulungan kung sila’y nagpahinga.

Iyong kakulangan nila sa pera ay pinunan nila ng pagmamahal. Napuna ito ng kanilang mga anak. At sila’y tinularan ng apat nilang supling.

Ang idinagdag ni Mon ay ang pagkakaroon niya ng "sense of humor." Nais niyang pasayahin ang kanyang misis sa pamamagitan ng pagbibiro.

Iyong pagpapatawa ni Mon ay ikinatuwa ni Cacai. Kapag nakita nito na nag-iisip si Mon at pangungunahan niya agad ng:

"Puro kalukuhan na naman ang iniisip mo…"

At sila’y magtatawanan. Hindi alam ng mag-asawa na ang kanilang ginagawa ay nagpapalusog ng kanilang katawan.

Iyong tuksuhan at tawanan ay nag-aakay ng magandang "aura." Ito ang umaakit ng magandang kapalaran. Hindi kataka-taka nang gumanda ang kanilang buhay.

Iyong kanilang luma at bagong bahay ay hindi naputikan ng masasamang salita.

Laging naroon ang "Purihin ang Diyos" ang bukambibig nila na namana nila sa kanilang amo sapagkat maraming biyaya ang kanilang tinatanggap.

Monday, October 16, 2006

Kagandahang-asal sandigan ng tao

Bella Angeles-Abangan

“Wealth is a weak anchor, and glory cannot support a man; this is the law of God, that virtue only is firm and cannot be shaken by tempest.”

Iyan ang sinulat ni Pythagoras hinggil sa kagandahang-asal. Iyan ang tanging sandigan ng tao kaya hindi siya maaaring buwagin ng tukso o sala.

Ang pagsasama ng malinis na budhi at mapagbigay na puso ay bumubuo ng kagandahang-asal.

Narito ang isang kuwento kung paano pinamanahan ng marangal na pangalan at dignidad ang kanyang pamilya.

Malapit na ang pasukan noon. Talagang walang-wala ang pamilya ni Nicanor. Naalis siya sa trabaho pagka’t humina ang kompanyang pinapasukan ni Nicanor. Hindi niya alam kung paano makapag-aaral ang apat niyang mga anak.

Kinabukasan ng tanghali ay dumating ang bunsong kapatid ni Nicanor, si Delcer, ang balikbayan na may sampung taon na sa Canada.

Kasama nito ay kanyang pamilya at limang mga anak. Ngayon lamang umuwi ng Pilipinas si Delcer. Pinay ang misis ni Delcer na nakilala niya sa Canada. Naroon ang pamilya niya sa isang malaking hotel. Doon sila tumuloy noong gabing sila’y dumating.

Nagyakap ang magkakapatid. Isasama niya si Nicanor sa abroad bilang assistant sa kanyang negosyo.

Malaki na ang negosyo ni Delcer. Matagal na nagkuwentuhan ang magkakapatid. Hindi makapagsalita si Delcer pagka’t punung-puno ng kaligayahan ang kanyang puso.

Maganda ang pagpapalaki kay Nicanor ng kanyang Lola. Hindi sila nagkasama ni Delcer sa iisang bubong sapagkat sa probinsiya lumaki si Nicanor. Inihasik ng kanyang Lola ang magagandang pag-uugali sa puso ni Nicanor.

Noong paalis na sila ni Delcer at Nicanor papuntang Canada ay inabutan niya ang misis nito ng limang libong dolyar para sa pag-aaral ng kanyang mga anak.

Ikinuwento ni Nicanor kay Delcer habang sakay sila ng eroplano na muntik na siyang mapasama sa gagawing hostage.

Noong marinig ni Nicanor ang tinig ng kanyang kumpare ay biglang nahiga ito sa banig. Kumuha ng tuwalyang maliit na basa ng suka. Inilagay ni Nicanor sa ulo. Pinahiran niya ng suka ang buo niyang katawan.

Pinatuloy ng kanyang misis ang bisita. Nang makita si Nicanor ay napakagat-labi ito. Hindi niya akalain na ang susunduin niya ay may sakit.

Nagpaalam agad ang panauhin. Ipinagtapat ni Nicanor sa kanyang pamilya na isasama siya sa malaking hostage na isasagawa nila sa gabing iyon.

Kinabukasan ay nabalitaan nila sa radyo ang pagkabaril ng kanyang kumpare at patay na ito. Ang lahat ng mga kasama nito ay nahuli.

Nagpasalamat sa Diyos si Nicanor pagka’t hindi siya nagpapadala sa silaw ng pera na ibabayad sa kanya pagkatapos ng kanilang gagawing hostage na nauwi sa wala.

Niyakap ni Delcer ang kapatid na inalagaan ang kabutihang-asal na inihasik sa puso ng kanyang Lola.

Tuesday, October 10, 2006

Kaya Natin

Bella Angeles-Abangan

DID is a word of achievement. WON’T is a word of retreat. MIGHT is a word of bereavement. CAN’T is a word of defeat. OUGHT is a word of duty. TRY is a word for each hour. WILL is a word of beauty. CAN is a word of power. I think I can... The title engine that tried, then could and did.



Ang tula sa itaas ay napakaganda at namumukod. Lalo na ang mensahe na gustong iparating ni Margaret Gisbone Powers.

“May magandang salita na dapat gawin at may mga salita na ating iwasang sabihin.”

Itanim natin sa puso ng mga bata iyong mga salitang. “Kaya ko Inay. Magagawa ko ito Itay. Madali lang po iyan.”

Iyong mga batang ating ikukuwento ay lalong makakaunawa kung may role model silang matutunghayan.

“Kaya ba ninyong magtulungan at magmahalan katulad nating magkakapatid? Maging sa inyong paglaki, pag-aaral o kapag may sarili na kayong pamilya ay nariyan pa rin ang salitang kaya ninyong magdamayan. Kaya ninyong magtulungan.”

Narito ang isang kuwento ng pagtutulungan at pagmamalasakitan. Tumawag sa telepono si Maricel sa nakababatang kapatid na si Raul. Ito ay kukuha ng examination sa Philippine Military Academy upang maging kadete.

“Raul, kukuha ka ng eksamen bukas? Tandaan mo kayang-kaya mo iyan. Makakapasa ka. Pagbutihan mo at bukas dadaan ako upang dalhan ka ng gusto mong sandwich at pera. Ipagdarasal ka namin ni Celia...”

“Salamat kuya. Hayaan mo gagawin kong lahat ang aking makakaya. Ikaw ang aking idolo. Lahat ng kunin mong exams ay laging patok. Sige kuya, thanks for the inspiration.”

Narito pa ang isang istorya tungkol sa mag-amang German at Rene. Maagang namatay ang ina ni Rene. Tanging ama at Lola niya ang kanyang kasama sa bahay. Ang pagpapalakas ng loob ay laging ginagawa ni German. Laging pinapayuhan nito na marami siyang tagong kakayahan o potensyal na kailangang gamitin at ilaban.

Noong kumuha si Rene ng eksamen sa Philippine Science High School ay alam ni German na makakapasa ang kanyang anak. Ibinili pa nga niya ito ng Encyclopedia sa Science noon. Tinuruan niya si Rene ng Math kaya’t laging ito ang panlaban ng eskuwelahan sa Iloilo. Pambato rin si Rene sa mga paligsahan sa essay writing at iba pa.

Noong kumuha si Rene ng exam ay paulit-ulit ang wika ng ama. “Anak mangunguna ka...”

Naroon si German sa loob ng compound ng paaralan. Nakaupo siya roon at nagdarasal. Walang tigil ang kanyang dasal at bulong sa anak na kumukuha ng eksamen sa loob ng gusali.

“Anak, pagbutihan mo, nariyan ang Holy Spirit sa iyo... kaya mo, anak...” Tuwang-tuwa si Rene nang makatapos siya ng eksamen. Alam niyang makakapasa siya sapagkat ang mga tanong ay kanyang nasagot lahat.

Iyon ang bunga ng matiyagang pagsubaybay ng kanyang ama. Ang ibinigay na motto ni German sa anak: “Kung kaya nila ay kayang-kaya ko rin.”

Ito ang tanong ni Rene sa ama noong pabalik na sila sa Iloilo. Naroon sila sa deck ng bapor:

“Paano ka itay kung i-stay in ako sa Philippine Science?”

“Madali iyan anak. Maninirahan ako sa Maynila. Kaya ko pang kumuha ng maliit na kuwarto na uuwian mo tuwing darating ang Sabado ng umaga. Kaya ko pa rin ang magtrabaho. At kaya mong manguna sa klase, hindi ba?”

“Tatay, kayang-kaya ko dahil magaling ang titser ko – ikaw.”